SolGen kinalampag para silipin na ng COA ang pondo ng SBMA
Inutusan na ni Pangulong Duterte ang Office of the Solicitor General na kalampagin ang Commission on Audit (COA) na aksiyonan ang notice of disallowance na ipinadala kay Senator Richard Gordon noong ito pa ang namumuno sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Ayon kay Pangulong Duterte hanggang ngayon ay hindi pa isinosoli ni Gordon ang P140 milyong pondo ng SBMA.
Dagdag pa niya inatasan na ng Korte Suprema si Gordon na isoli ang pera.
Bago ito, ipinag-utos na rin ng Punong Ehekutibo ang pag-audit sa mga subsidiya ng ilang ahensiya ng gobyerno sa Philippine Red Cross, na pinamumunuan ngayon ni Gordon.
Inakusahan niya ang senador ng paggamit ng pondo ng PRC para isulong ang ambisyong-pulitikal.
Nag-init si Pangulong Duterte kasabay nang pag-iimbestiga ng Senate Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan ni Gordon, sa sinasabing overpriced COVID 19 supplies na kinasasangkutan ng ilang malalapit sa Punong Ehekutibo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.