Inihayag ni Transportation Secretary Art Tugade na ang pagpapalawak ng Port of Lucena ang isa mgsa susi upang mapalago ang ekonomiya ng Quezon province.
“Ito ‘ho ay isang malaking susi sa kaunlaran sa probinsya ng Quezon, at kaunlaran dito sa Lucena,” saad ng kalihim sa inagurasyon ng bagong Port Operations Building (POB) at karagdagang Pier 3 sa Port of Lucena.
Makatutulong din ang karagdagang pier upang maserbisyuhan ang mas maraming sasakyang pandagat.
Maliban dito, mapapababa rin ang logistics costs at shipping fees.
Inanunsiyo rin ni Tugade ang mas malaking developments sa pantalan, ang konstruksyon ng Southern Nautical Highway.
Inaasahang sisimulan ang konstruksyon nito sa susunod na dalawang linggo.
“That Southern Nautical Highway will soon be a reality. Pinondohan na ni PPA General Manager Jay Santiago ‘yan,” ani Tugade.
Naibigay na aniya ang pondo para sa naturang proyekto at nailabas na rin ang Notice to Proceed para rito.
Binati naman ng kalihim si Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago para sa panibagong tagumpay.