May kumita ng P841M sa overpriced ambulances ng DOH – Lacson

Senate PRIB photo

Hinamon ni Senator Panfilo Lacson si Health Secretary Francisco Duque III na buwagin ang sindikato sa Department of Health (DOH).

Kasunod ito nang pagbubunyag niya na may P841 milyon ang nasayang sa pondo ng gobyerno dahil sa pagbili ng mga ambulansiya na aniya ay overpriced ng P1 milyon bawat isa.

Ayon kay Lacson maaring ang overpricing ng ambulansiya ay kagagawan ng sindikato na nasa likod din ng paulit-ulit na overstocking ng mga expired at malapit nang mag-expire na mga gamot na nagkakahalaga ng higit P2.73 bilyon, kasama na ang P2.2 bilyon noon lang 2019.

“Entrenched ang sindikato kasi nariyan ang overpricing. Yan gusto namin matingnan ninyo nang maayos para ma-uproot ang sindikato sa loob ng department. Pre-pandemic at during the pandemic, parang hindi nagbabago ang pagbili ng expired medicines at overpricing,” puna ng senador.

Mismong si Duque ang nagsabi na bumili ang DOH noong 2019 at 2020 ng 841 units ng ambulansiya sa halagang P2.5 milyon bawat isa.

Ngunit ayon kay Lacson, may LGU na binalak na bumili ng katulad na ambulansiya ang nagsabi na P1.5 milyon lang ang halaga.

Bukod diyan ang mga ambulansiya na binili ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na may halaga lang na P1.585 milyon, samantalang ang pribadong sektor ay nakabili sa halagang P1.65 milyon.

“Bakit ang layo ng diprensya ng presyo kung DOH bumibili compared sa ibang entities? Isa lang ang ma-conclude namin dito. Pag may overpricing di ba may kumikita,” sabi pa ng senador.

Read more...