“Pinoy Tayo, Isko Tayo Movement” inilunsad sa Rizal
Inilunsad ang isang koalisyon ng mga maralita na sumusuporta sa kandidatura sa pagkapangulo ni Manila Mayor Isko Moreno sa Eleksyon 2022 sa Lupang Arenda, Sta. Ana Taytay, Rizal.
Ayon kay Mik Rivera, lead convenor ng ‘Pinoy tayo, Isko tayo’ movement, layunin ng grupo na maging pangunahing behikulo ng kampanya sa Luzon, Visayas at Mindanao patungo sa tagumpay at tunay na pagbabago.
“Nais nating tiyakin na ang bawat tinig at daing ng maliliit na kababayan ay maririnig, maging saan man dako ng ating bansa o panig ng mundo, anuman ang kulay o relihiyon, katatayuan sa buhay at kasarian,” pahayag ni Rivera.
Dagdag ni Rivera, mahalaga ang papel ng Lupang Arenda kung kaya’t inilunsad ang “Pinoy Tayo, Isko Tayo Movement”.
Makasaysayan at simboliko ang lugar sa buhay ni Mayor Isko bilang lider ng bansa, at bilang buhay na inspirasyon sa maraming mangangalakal sa dating tambakan.
“Bugbog sila sa pangako ng mga pulitiko, pag-asang paasa lamang ngunit walang nakatupad sa pangakong ipamahagi ang tunay na “libreng pabahay” o mai-award ang titulong nakapangalan sa kanila. Paulit-ulit na pangako pero hanggang ngayon ay nanatili silang busabos sa mahigit na dalawang dekada,” pagdidiin ni Rivera.
Subalit nung magdeklara aniya si Mayor Isko na tatakbong Pangulo ng bansa, muling nabuhayan ng pag-asa ng mga maralitang taga-Arenda na ipagpatuloy ang laban para sa disenteng pabahay at sariling lupa.
Dagdag ni Rivera, “nais sana nating tipunin ang mas marami pang maralita dito ngayon subalit dahil sa isyu ng health protocol bunsod ng pandemyang COVID-19 ay limitado lamang ang naririto sa ngayon. Subalit mataas ang pakikiisa ng mga kasapi at handa ang lahat na tulungan si Mayor Isko sa laban na ito sa eleksyong 2022.”
Ang Lupang Arenda ay ang dating Arenda Dumping Site, isang bagsakan at silangan pantalan ng mga nangangalakal at mangingisda mula sa Laguna, Maynila at karatig bayan ng Taytay. Dito rin itinayo ang kauna-unahang Simbahang Katoliko ng Taytay─Parokya ng San Juan Bautista. Ang Arenda ay ang dulo ng Ilog Pasig o Taga-Ilog (sa Silangang bahagi).
Sa mahigit 20 taon, naging mailap ang tagumpay na makamit ang lupa at magkaroon ng disenteng pabahay para sa mga taga-Lupang Arenda sa kabila ng maraming proklamasyon mula sa panahon ni Pangulong Fidel Ramos hanggang kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.