Mas magiging maligaya na ang Pasko sa taong 2021.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, ito ay dahil 80 porsyento sa populasyon sa Metro manila ang bakunado na kontra COVID-19.
Ayon kay Roque, dahil nasa 70 hanggang 80 porysento na ng populasyon sa Metro Manila ang bakunado, maaring unti-unti nang makababalik sa dating pamumuhay ang mga Filipino.
“Pero sa tingin ko po, talagang mas magiging maligaya ang Pasko ngayong 80% na halos ang bakunado sa Metro Manila,” pahayag ni Roque.
Kasabay nito, sinabi ni Roque na ipinauubaya na ng Palasyo sa Department of Health (DOH) ang pagpapasya kung luluwagan na ang quarantine classification ngayong bumababa na ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.
Pero ayon kay Roque, dapat pa ring maging pursigido ang pamahalaan at ang taong bayan na magpabakuna para masiguro na may sapat na proteksyon laban sa COVID-19.