Tugade, dapat tumakbo bilang senador – Ang

Hinikayat ni San Miguel Corporation (SMC) President and COO Ramon Ang si Transportation Secretary Arthur Tugade na tumakbo bilang senador sa 2022 national elections.

Inihayag ito ni Ang matapos ang Signing Ceremony ng Supplemental Toll Operation Agreement (STOA) para sa Pasig River Expressway (PAREX), araw ng Miyerkules (September 21).

Binanggit nito ang magagandang nagawa ng kalihim sa DOTr sa nakalipas na limang taon.

Nang tanungin si Ang kung magandang makapasok si Tugade sa Senado, sinabi nito na kailangan ng executive branch ang kalihim para maisaayos ang mga programa ng DOTr.

“Alam niyo sa totoo niyan, si Secretary Tugade ay kailangang-kailangan po ng Executive Branch of the Government para ma-implement lahat ‘to,” pahayag ni Ang at aniya pa, “Kaya lang hinihiling siya ng taumbayan na tumakbo [bilang Senador] at ipagpatuloy ang kaniyang serbisyo sa bayan. I think bagay siya pang-Presidente ng Pilipinas.”

Bukod sa PAREX, magkatuwang din ang DOTr at SMC sa pagtatapos ng ilang infrastructure projects, kabilang ang New Manila International Airport sa Bulacan, MRT-7, at implementasyon ng electronic toll collection.

Tugon naman ni Tugade nang tanungin kung tatakbo bilang senador, nakatutok muna siya para matapos ang transport development projects ng DOTr.

Read more...