Mga may-ari ng sari-sari store at iba pang maliliit na negosyante, pinaayudahan din ni Marcos

Sari-sari store

Humihirit si dating Senador Ferdinand Marcos Jr. sa pamahalaan na ayudahan din ang mga maliliit na negosyo gaya ng sari-sari store sa mga lugar na isasailalim sa granular lockdown.

Ayon kay Marcos, ito ay para makaagapay ang mga maliliit na negosyante sa gitna ng pandemya sa COVID-19.

Cash at tax incentives ang nais itulong ni Marcos sa mga maliliit na negosyante.

“Pag nag-granular lockdown ang isang lugar, walang papasok at walang lalabas sa area na yan.  Kaya’t talagang walang hanapbuhay.  Ang mabigat talaga ang tama ay sa mga maliit na negosyo.  Ito yung mga sari-sari store, mga barberya, mekaniko, yung ganung klase ng mga negosyo.  Heto talaga yung mga naubos na yung kanilang trabaho,” pahayag ni Marcos.

Nasa granular lockdown ngayon ang ilang lugar sa Metro Manila hanggang sa September 30.

“Kaya’t siguro puwede nating pag-isipan muli na bigyan hindi lamang ang indibidwal kundi ang negosyo at magbigay tayo ng tulong kahit cash subsidy muna,” pahayag ni Marcos.

Ayon kay Marcos, malaking tulong ang ayuda para makabayad sa bill sa tubig at kuryente.

“Ang polisiya ngayon ay food packs.  Maganda yan pero sana meron din silang hawak na konting pera makabayad sa tubig, kuryente.  Napakahirap kung maputulan pa sila niyan,” pahayag ni Marcos.

 

Read more...