Litisin, sentensiyahan, ipabitay ako ng Korte sa Pilipinas, huwag lang sa ibang bansa – Sen. Bato dela Rosa
Mas gugustuhin pa ni Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa na kasuhan siya at kahit ipabitay pa ng isang korte sa Pilipinas kaysa malitis sa isang banyagang korte at ang tinutukoy niya ay ang International Criminal Court (ICC).
“Alam mo, being a Filipino, gusto ko sana…I would rather be tried, convicted, and even hanged before a Filipino court, rather than being tried, convicted and hanged before a foreign court. So ‘yun lang ang gusto kong iparating sa’yo because being a Filipino, it’s also my right,” sabi ni dela Rosa.
Inihayag ito ng senador sa pagdinig ng P867.25 million 2022 national budget ng Commission on Human Rights ng Senate Finance Subcommittee C na kanyang pinamumunuan.
Ipinagdiinan din ni dela Rosa kay CHR Chairperson Jose Luis Gascon na wala siyang nakikitang ‘crimes against humanity’ na idinidikit sa pagkasa ng war on drugs ng administrasyong-Duterte.
Paniwala pa nito na sang-ayon sa kanyang posisyon ang karamihan sa mga Filipino.
Paliwanag naman ni Gascon kung mapapatunayan lang ng ICC na gumagana ang ‘justice system’ sa isang bansa ay hindi na ito magsasagawa pa ng imbestigasyon.
Magugunita na sinang-ayunan ng mga hukom ng ICC ang rekomendasyon na imbestigahan ang posibleng ‘crimes against humanity’ sa bansa at bukod kay Pangulong Duterte ay kasama din si dela Rosa sa iimbestigahan.
Magugunita na si dela Rosa ang unang hepe ng pambansang pulisya sa pag-upo ni Pangulong Duterte noong 2016 at ang una ang naglunsad ng kontrobersyal na Oplan Tokhang, nagresulta sa pagkasawi ng libo-libong katao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.