Anumang oras ngayong araw ay inaasahang ilalabas na ng Supreme Court ang resulta ng 2015 Bar Examinations na ginanap sa University of Sto. Tomas.
Sa paabiso ng Supreme Court, matapos pagpasyahan ng en banc ang passing percentage ng 2015 Bar Exams at mai-decode ang test booklets ng mga kumuha ng pagsusulit ay ilalabas na nila ang resulta.
Nasa 6,600 na law graduates ang kumuha ng nasabing pagsusulit sa loob ng apat na magkakasunod na Linggo noong Nobyembre 2015.
Sa tala ng Office of the Bar Confidant ito na ang pinakamaraming bilang ng mga bar candidates sa loob ng apat na taon.
Kabilang sa mga subject na kinuha nila ay ang Labor Law, Commercial Law, Civil Law, Criminal Law, Taxation, Remedial Law, Legal Ethics at Political Law.
Noong 2014 bar exams 1,126 ang nakapasa o 18.82 percent matapos ibaba sa 73 percent ang passing percentage.
Si Associate Justice Teresita Leonardo De Castro ang chairman ng 2015 bar exams.
Maaring makita ang mga pangalan ng mga pumasa sa bar exams sa website ng Supreme Court na sc.judiciary.gov.ph
Taun-taon, kahit naipo-post na ang resulta sa website, ay marami pa ring examinees, kasama ang kanilang pamilya ang nagtutungo sa Korte Suprema para abangan ang resulta.
Bilang paghahanda, naglagay na ng malaking screen sa harap ng SC kung saan maaring makita ang pangalan ng mga nakapasa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.