Pinayagan na ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Health Secretary Francisco Duque III at vaccine czar Carlito Galvez Jr. na ipagpatuloy ang pagdalo sa immbestigasyon ng Senate Blue ribbon committee kaugnay sa kinukwestyung pagbili ng pandemic supplies ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM).
Pahayag ito ng Pangulo matapos i-anunsyo kamakalawa na kinakailangang humingi muna ng clearance sa kanya ang mga miyembro ng gabinete bago dumalo sa ano mang imbestigasyon ng Senado.
Ayon sa Pangulo, sakaling ipatawag muli sina Duque at Galvez ng Senado, papayagan niya ang mga ito.
Hahayaan niya aniyang ipakita sa publiko ang ka-istupiduhan ni Senador Richard Gordon.
Si Gordon ang chairman ng Senate Blue Ribbon committee.
Utos ng Pangulo kina Duque at Galvez, sabihin ang katotohanan.
Nadidismaya si Pangulong Duterte kay Gordon dahil sa halos limang oras na pagsasalita at paulit-ulit na pagtatanong.
Nanindigan ang Pangulo na hindi overpriced ang mga biniling pandemic supplies at ginagamit lamang ni Gordon ang imbestigasyon para sa kanyang pamumulitika sa nalalapit na 2022 presidential elections.