Bagaman tila patok na patok ngayon ang paggamit ng social media sa pangangampanya para sa halalan ngayon, hindi pa rin naman nito nahihigitan ang laki ng impact ng television advertisements.
Maaring mas marami nang gumagamit ng social media, ngunit dahil sa mga isyu ng kredibilidad, mas pinipili pa rin ng mga pulitiko ang telebisyon para iparating ang kanilang mga mensahe at plataporma sa publiko.
Iba-iba na rin ngayon ang mga diskarte ng mga pulitiko sa paggamit ng TV ads, at kung ikukumpara sa dati, mas kaunting artista na ang ginagamit nila.
Ayon kay Yoly Villanueva-Ong na isang campaign strategist at dating advertising executive, mas laganap man ngayon ang social media ads, nananatili namang mas ma-impluwensya ang TV ads.
Base na rin aniya sa ilang mga pag-aaral at surveys, itinuturing pa rin na pinaka-makapangyarihang medium ang telebisyon, na sinusundan naman ng radyo.
Gayunman, dahil sa mahal ng bayad sa mga TV ads, maraming pulitiko na rin ang gumagamit ng social media na bukod sa libre, ito rin ang ginagamit ng mga kabataan na bumubuo na ngayon sa malaking bahagi ng populasyon ng mga botante.
Pero ani Ong, sa kabila ng malawak na reach nito, hindi pa rin talaga maaring iasa lang sa social media ng mga kandidato sa pangangampanya.
Hindi pa rin aniya napapatunayan ang kredibilidad ng social media sa pangangampanya dahil kaya rin itong manipulahin ng mga kalaban na partido.