Gusto ng Commission on Audit (COA) na ihinto muna ang paggawa sa Kaliwa Dam dahil hindi sigurado na hindi ito makakapinsala ng kapaligiran.
Sa ulat ng COA, itinuloy pa rin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang pagpapagawa sa dam na pinondohan ng China, kahit hindi pa napapatunayan na nakasunod ito sa environmental pre-requisites na nakasaad sa mga permit.
Sa 2020 audit report ng COA, bagamat may environmental compliance certificate (ECC) ang proyekto, hindi kumpleto ang mga mandatory permits mula sa kinauukulang ahensiya ng gobyerno.
Nabatid na ang ECC para sa proyekto ay nakuha ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noon lamang Oktubre 11, 2019.
Walang katibayan, ayon sa COA, na nakapagsumite ang MWSS ng patunay na nakasunod sa mga kondisyon at restriksyon na nakasaad sa ECC.
Nakuha ng China Energy Engineering Corp. Ltd., ang kontrata para itayo ang P12.2 bilyong halaga ng dam sa Infanta, Quezon, ngunit pinuna na ito ay paglabag sa Saligang Batas ng Pilipinas dahil napaboran ang isang foreign contractor sa halip na kompaniya na pag-aari ng Filipino.
Tinutulan na ng mga 1,465 pamilya ng mga katutubo sa Quezon at Rizal ang proyekto dahil mawawalan sila ng tirahan at maging ilang opisyal ng Simbahang Katoliko ay hindi pabor sa Kaliwa Dam.