Anim mangingisda ng lumubog na bangka nailigtas ng Philippine Navy
(Philippine Navy photo)
Makalipas ang dalawang araw na paghihintay ng tulong, nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Navy ang anim na mangingisdang Filipino sa Benham Bank, Philippine Rise.
Sa paunang ulat, nagsasagawa ng territorial defense operations ang BRP Andres Bonifacio (PS 17) sa Philippine Sea nang makatanggap ng distress call kaugnay sa isang lumulubog na sasakyang-pandagat.
Natagpuan naman ang F/V Mr Kupido sa distansiyang 26.7 nautical miles timog-silangan ng Benham Bank at nakalubog na ang kalahati ng bangkang-pangisda.
Kinilala ang mga nasagip na sina Jayson Buheda, 36, boat captain; at ang mga tripulanteng sina Legazpi Villanueva, 71; Christopher Querez ,45; Mario Burod, 50; Armando Mise, 53; atTony Reyes, 51, pawang mga residente ng Atimonan at Real sa Quezon Province.
Kuwento nila, nangingisda sila nang salpukin ang kanilang bangka ng malalakas at malalaking alon na ikinasira nito.
Dagdag pa ng mga mangingisda, pinagsumikapan nila ng dalawang araw na panatiliing nakalutang ang kanilang bangka.
Agad naman pinakain, sinuri ang kalusugan at binigyan ng mga damit ang mga mangingisda ng mga tauhan ng Philippine Navy at inayos na rin ang kanilang bangka.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.