QC LGU, hinimok ang mga kumpanya na iulat ang mga posibleng kaso ng COVID-19
Muling hinimok ng Quezon City government ang mga kumpanya na agad i-report ang mga posibleng kaso ng COVID-19 sa kanilang mga empleyado.
“This is to avoid the spread of the virus in their work area and to nearby communities,” paliwanag ni Mayor Joy Belmonte.
“Kung hindi kayo makikipagtulungan at magdudulot kayo ng abala pati na sa komunidad, hindi kami magdadalawang isip na sampahan kayo ng kaso,” banta nito.
Inilabas ng alkalde ang naturang babala matapos sabihin ni City Attorney Orlando Paolo Casimiro na maaring magsampa ng kaso laban sa Millennium Erector Corporation (MEC), kung saan 57 COVID-19 cases ang napaulat, dahil sa paglabag sa health protocols.
Ang naturang kumpanya ang nagtatayo ng Manhattan Cubao.
“If evidence proves that MEC was aware of its workers’ situation but failed to report to the CESU, then they may be held criminally liable pursuant to Section 2.c of the IRR of RA 11332 or the Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act,” ani Casimiro.
Inendorso ng Department of the Building Official (DBO), sa pamumuno ni Atty. Dale Peral, ang pagsasampa ng kaso dahil sa paglabag sa Republic Act 11332 matapos maglabas ng Cease and Desist Order laban sa MEC upang ihinto ang lahat ng construction activities noong August 26.
“The CDO will not be lifted until there is clearance from the CESU and DBO,” ani Peral.
Matapos madiskubre ang isang kaso noong August 16, nagsagawa ang City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) mass testing sa 271 manggagawa, 13 rito ang lumabas na positibo sa nakakahawang sakit at agad dinala sa HOPE Facility.
Dahil dito, isinailalim ang naturang lugar sa Special Concern Lockdown.
Noong August 21, dinala rin sa HOPE facility ang karagdagan pang 13 manggagawa na tinamaan ng COVID-19.
Noon namang August 26, nagsagawa muli ang CESU ng mass testing matapos mapuna ng contact tracers at ng barangay na marami sa mga naunang nagnegatibo ay humihingi ng paracetamol at mayroon nang ubo. Lumabas sa pagsusuri na 30 pang manggagawa ang positibo sa COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.