Base sa ulat kay Immigration Commissioner Jaime Morente, sinabi ng BI Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) na naharang ang tatlong babae noong September 10.
Patungo sana ang tatlo sa Dubai via Emirates flight.
Unang sinabi ng tatlong babae sa primary immigration inspection na aalis sila bilang turista. Ngunit kalaunan, inamin din ng tatlo na pupunta sila sa Dubai para magtrabaho bilang domestic household worker.
Mayroon silang valid UAE tourist visas at return tickets.
Nang makapanayam ng ahensya, inamin ng mga babae na na-recruit sila upang makapagtrabaho sa ibang bansa nang walang naayos na overseas work permits mula sa gobyerno.
Dagdag pa nito, nakakatanggap sila ng instruction mula sa kaniyang handler sa pamamagitan ng Facebook at natanggap nila ang kopya ng kanilang visa at return sa pamamagitan ng internet.
Ayon pa sa mga biktima, wala silang ibinayad na anumang halaga ng pera sa naturang ahente ngunit ang ginastos sa mga dokumento ay ibabawas sana sa kanilang suswelduhin.
“This is a form of debt bondage,” pahayag ni Morente.
Dagdag nito, “Hindi ka pa nakaka-alis may utang ka na. In many cases, victims are charged by their recruiters exorbitant amounts which they are unable to immediately pay off, further locking them to their employers despite horrible working conditions.”
Dinala ang mga biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mas malalim na imbestigasyon.
Babala ni Morente sa mga miyembro ng mga human trafficking syndicate, hindi lamang sa paliparan sa Maynila mahigpit ang pagbabantay ng BI kundi maging sa iba pang international ports.