‘Divine Intervention’ dasal ng mga madre para sa kahihinatnan ng eleksyon
Ilang araw bago maghalalan, may kani-kaniyang ginagawang paghahanda rin ang mga simbahan at religious groups para sa malinis at maayos na halalan.
Idinaan na ng Simbahang Katolika at mga grupo sa dasal ang paghingi ng “divine intervention” para makamit ang mapayapa at malinis na eleksyon sa Mayo 9.
Noong Linggo, naglabas si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president Socrates Villegas ng isang “pastoral appeal” na humihimok sa mga botante na pag-isipang maigi kung sino ang kanilang mga iboboto.
Panawagan pa ni Archbishop Villegas, magdasal ng rosaryo araw-araw at tumanggap ng Banal na Komunyon simula May 1 hanggang May 9, upang magkaroon ng maka-Diyos na eleksyon.
Ngunit bago pa man ilabas ang CBCP pastoral appeal, ilang kongregasyon na rin ang una nang nagsimula sa pagdarasal at pagninilay para hilingin ang malinis na halalan at matalinong pagpili ng mga botante.
Mula pa noong April 30, sinimulan na ng mga madre sa Carmelite monastery sa Lipa City ang pagno-novena.
Sa Immaculate Conception Cathedral ng Cubao diocese naman, gumawa na sila ng common daily intercessory prayers at sinimulan ang pagdarasal nito noon pang April 30.
Ayon naman kay Sr. Sonioa Aldeguer ng Relgious of the Sacred Heart, sinasama na rin nila sa kanilang community night prayers ang pagdarasal para sa halalan.
Gayundin ang Franciscan Missionaries of Mary (FMM) na ginagamit rin ang Veritas prayer kung saan hinihiling nila sa Diyos ang “divine wisdom and insight” para sa pagboto.
Ang mga Missionary Benedictine Sisters naman ng St. Scholastica College Institute of Women’s Studies, ay nagsimula na rin sa pagdarasal na sinasabayan pa nila ng fasting.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.