Michael Yang ‘pinahuhubaran’ para malantad ang tunay na pagkatao

Nais ni Senator Leila de Lima na mabusisi ng husto ng Senado ang tunay na pagkatao ni dating Presidential Adviser on Economic Affairs Michael Yang.

Gayundin, gusto ni de Lima na maisapubliko ang tunay na relasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Yang, na ngayon ay isinasangkot sa overpriced COVID-19 supplies na binili ng Department of Budget and Management at Department of Health.

Ipinaalala ng senadora na noong 2019, ibinunyag ni Eduardo Acierto, isang opisyal sa PNP – Drug Enforcement Group na si Yang ay pinaniniwalaang sangkot sa ilegal na droga base sa intelligence reports.

Ngunit, sabi pa ng senadora, walang ahensiya na nagpapatupad ng batas, ang PNP, PDEA at NBI, ang kumilos para imbestigahan ang pagbubunyag ni Acierto.

Aniya maging ang inihain niyang Resolution 1033 ay hindi inaksiyonan ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.

“Ngayon na humaharap na sa Senado si Michael Yang, dapat mahalungkat ang tunay na pagkatao niya at ang lawak o saklaw ng kanyang relasyon, koneksyon at impluwensya kay Duterte. Marami ang mga dapat itanong,” sabi ng senadora.

Aniya dapat ay isapubliko ang mga investments ni Yang sa bansa dahil sabi ni Pangulong Duterte ay investor ito, gayundin ang kanyang koneksyon sa gobyerno at China.

Dapat din, sabi pa ni de Lima, ay malaman kung ano ang pakinabang ng Punong Ehekutibo kay Yang, na siya umanong naging tulay para makuha ng Pharmally Pharmaceutical ang bilyong-bilyong pisong halaga ng kontrata sa gobyerno gayung P625,000 lamang ang kanilang puhunan.

Read more...