Isang ospital sa Quezon, nagpapabaya umano sa mga labi ng mga nasawing pasyente dahil sa COVID-19
Ikinabahala ng mga residente sa lalawigan ng Quezon ang sitwasyon sa Quezon Medical Center kung saan ang mga labi ng mga pumanaw dahil sa COVID-19 ay nakatiwangwang lamang umano sa mga pasilyo at naaagnas na dahil sa hindi maayos na pag-aasikaso ng pamumunuan ng pampublikong ospital.
Sa mga kumakalat na larawan, makikitang tila nakatiwangwang sa pasilyo ng ospital ang mga bangkay ng pumanaw sa COVID-19.
Ayon sa saksi, hindi na kaayaaya ang kalagayan sa ospital dahil sa unang palapag umano ng ospital nakalagak ang mga nabubulok na labi katabi ang mga kwartong ginagamit para sa pagsasagawa ng CT Scan, 2D Echo, at blood bank.
Base sa ipinadalang larawan, matatanaw ang mga labi mula sa ikalawa at ikatlong palapag ng gusali.
Sa ikalawang palapag matatagpuan ang stay-in quarters ng mga nurse na naka-duty at mga silid para sa mga nagpopositibo sa nakahahawang sakit habang nasa ikatlong palapag naman ang tanggapan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), Department of Health (DOH), at iba pa.
Base sa DILG-DOH Joint Memorandum Circular No. 1 Series of 2020, hindi maaaring patagalin ng higit sa 12 oras ang labi ng indibiduwal na pumanaw sa COVID-19 bago isagawa ang pagsunog o pag-cremate dito dahil lubos itong nakakahawa. Kung wala namang kaanak na kukuha sa mga labi, inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng agarang pagproseso ng libing o cremation.
Ayon sa isang insider, nagpatawag naman ng pagpupulong si Governor Danilo Suarez hinggil sa nabanggit na sitwasyon sa Quezon Medical Center.
Ngunit, ikinadismaya ng nasabing insider na natapos ang pagpupulong na tila wala umanong malinaw na solusyon upang maresolba ang sitwasyon.
Sa huling tala hanggang September 12, nasa 153 ang bagong kaso ng COVID-19 sa naturang probinsya.
Umabot naman sa 18,701 ang naka-recover sa sakit habang 1,079 ang nasawi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.