Kinumpirma ng National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 17 na ang opisyal na bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyong Jolina sa ibat-ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay NDRRMC Exec. Dir. Ricardo Jalad ang nadagdag ay ang mga mangingisdang sina Almario Mingueto, 63 at Bobby Villavicencio, 46, kapwa ng Barangay Tungib sa Buenavista, Marinduque.
Kasama sila ng 21-anyos na Jovert Garay na unang naiulat na nasawi dahil sa paglubog ng kanilang bangkang pangisda noong Martes.
Karamihan din sa 14 na napa-ulat na namatay ay mga mangingisda at may pitong katao pa ang nawawala.
Sa kabuuan, 81, 048 pamilya na binubio ng 313,373 indibiduwal ang naapektuhan ng nagdaang bagyo, na naminsala din ng 8,924 bahay, samantalang aabot sa P685 milyong halaga ng mga imprastraktura at sa sektor ng agrikultura ang napinsala.
Samantala, sabi pa ni Jalad, may 2,780 pamilya o 11,145 indibiduwal sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon at Cordillera Regions ang naapektuhan ng bagyong Kiko.
Wala pa naman napa-ulat na namatay sa pananalasa ng ika-11 bagyo na pumasok sa bansa ngayon taon.