Kasabay nang paggunita ng Grandparents’ Day ngayon araw, hiniling na rin ni Ordanes na mabakunahan na rin ang mga kasama sa bahay ng senior citizens.
Ngunit aniya maaring may isyu naman sa suplay ng COVID 19 vaccines sa kasalukuyan.
“Kaya ang apila ko sa IATF at NTF COVID 19 na padamihin pa ang suplay ng bakuna at mapadali pa ng husto sana ang pagpababakuna. Pagbati na rin sa ating mga lolo at lola sa natatanging araw natin ngayon,” ayon sa namumuno sa House Special Committee on Senior Citizens.
Ibinahagi ng mambabatas na may 7.4 milyong lolo at lola sa bansa ang nabakunahan na, higit apat na milyon sa kanila ang fully-vaccinated.
“Kung masusunod ang schedule, sa loob ng apat na linggo ay higit pitong milyong nakakatanda na sa bansa ang fully vaccinated at may humigit-kumulang tatlong milyon na lang na senior citizens ang kailangan mabakunahan,” sabi pa ni Ordanes.
Diin nito ang kailangan na lang ay gawin libre na ang COVID 19 testing kasabay ng libreng bakuna.
Katuwiran niya, mas malalaman ang tunay na numero ng kaso ng COVID 19 sa bansa kung libre ang testing dahil ang paggasta para sa anti-gen o swab test ay isa mga pangunahing iniintindi ng mamamayan.
“Kung alam natin sino ang may taglay ng sakit, mas maraming buhay ang masasagip at maiiwasan ang paghihirap dahil agad mabibigyan ng lunas at tamang pag-aalaga ang COVID 19 positive,” sabi pa ni Ordanes.