Pinagpapaliwanag ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senate Minority Leader Franklin Drilon kaugnay sa ugnayan nito sa negosyanteng nakakulong na si Janet Lim-Napoles na mastermind ng multi-milyong pork barrel scam.
Nais din ng Pangulo na magpaliwanag si Drilon sa ugnayan nito kina dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog at retired police general Marcelo Garbo Jr., na kapwa dawit sa ilegal na droga.
Ayon sa Pangulo, dahil nais din lang naman ni Drilon na pag-usapan ang isyu ng korupsyon , mas makabubuting maliwanagan na rin ang taong bayan kung paano ginagastos ang pera ng bayan.
Tanong ng Pangulo, paano napunta si Drilon sa Heritage Park sa Taguig at nakipag-party-party kay Napole at kung perfect coincidence o nagkataon lamang na magkasama ang dalawa.
Sinabi pa ng Pangulo, kung totoong 10 beses lamang niyang nakasama si Napoles, paanong mistulang close si Drilon sa mastermind ng pork barrel scam.
Tanong pa ng Pangulo kay Drilon kung totoong nagbigay si Napoles ng P5 milyon sa kampanya.
Ayon sa Pangulo, dahil idi-deklara ni Drilon ang kanyang sarili bilang anti-corruption czar, mas makabubuting magpaliwanag na rin ito sa ugnayan kina Mabilog at Garbo.
Tanong ng Pangulo kay Drilon kung sino ang may-ari ng pinakamalaking mall sa Iloilo City at kung sino ang nag-brocker sa pagbebenta ng Old Iloilo City Airport sa Megaworld.