Magaling na ang isang 36 anyos na dayuhang nag-positibo sa Middle East Respiratory Syndrome (MERS).
Ayon kay Department of Health (DOH) Spokesperson Lyndon Lee Suy, matapos ang serye ng pagsusuri at pananatili ng nasabing dayuhan sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ay nag-negatibo na ito sa virus.
Ang nasabing dayuhan ay galing sa Dubai at Saudi Arabia bago dumating sa Pilipinas. Matapos makaranas ng sintomas ng MERS ay kusa na itong nagpatingin sa Ospital at nang suriin sa RITM ay nagpositibo ito sa MERS.
Dahil sa paggaling, papayagan na ang dayuhan na makalabas ng RITM ngayong weekend.
Ang 32 anyos na Pinay naman na nakasalamuha ng dayuhan ay mananatili muna sa RITM. Ayon kay Lee Suy, bagaman negatibo sa MERS ang Pinay base sa isinagawang pagsusuri ay kailangan pang hintayin na matapos ang 14-day quarantine period bago siya pauwiin.
Sa nasa 200 namang nakasabay ng dayuhan sa flight nito nang siya ay dumating ng Pilipinas, mayroon nang 112 na nahanap ang DOH at ayon kay Lee Suy, wala sa mga ito ang nagpakita ng sintomas ng sakit.
Pero patuloy aniya ang gagawing monitoring ng DOH sa kanila hanggang sa matapos ang 14-day observation period./ Dona Dominguez-Cargullo, Ricky Brozas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.