BSP at AMLC sinisi ni Duterte sa pagleak ng kanyang BPI account

Duterte-Trillanes2
Inquirer file photo

Kinuwestyon ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang Bangko Sentral ng Pilipinas at Anti-Money Laundering Council (AMLC) kung bakit nakaka-kuha ng access sa mga pribadong bank accounts ang si Sen. Antonio Trillanes IV.

May kaugnayan ang kanyang pahayag sa naging expose’ ni Trillanes sa umano’y P211 Million na tagong bank deposit ni Duterte at ng kanyang anak na si Sara sa Bank of the Philippine Islands (BPI) J. Vargas branch.

Ayon kay Duterte, “I am now questioning the Central Bank pati ang AMLC, bakit kayong mga taga-banko, bakit nasisilip ng mga militar, nasisilip ng mga malalaking… sa gobyerno, kaming maliliit wala kaming access”.

Kanina ay nagharap sa BPI Julia Vargas branch sina Sen. Antonio Trillanes at ang abogado ni Duterte na si Atty. Salvador Panelo.

Nagharap ng kanyang affidavit si Trillanes at sinabing isang nagngangalang Joseph De Mesa na isang concerned citizen ang source ng mga impormasyon kaugnay sa itinatagong bank account ni Duterte.

Tumanggi ang kampo ng Alkalde na buksan ang kanyang account kasabay ang pahayag na hindi sila kundi ang pamunuan ng BPI ang humihingi ng pitong araw para pag-aralan ang request ni Duterte na isapubliko ang laman ng kanyang bank account.

Sa isang press conference kanina, muling binanggit ni Trillanes na hindi lamang P211 Million kundi aabot sa P2.4 Billion ang itinatagong yaman ni Duterte base sa kanyang mga hawak na impormasyon.

Read more...