470 panels ng solar modules galing China, nasamsam ng BOC
Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Cebu sa isang shipment ang 470 panels ng bagong solar modules noong Martes, September 7.
Nanggaling ang kargamento sa China na nagkakahalaga ng P2.6 milyon.
Unang idineklara ang kargamento na naglalaman ng gamit nang solar modules.
Pinakonsulta ang kargamento sa Port’s Environmental Protection and Compliance Division-Enforcement and Security Service (EPCD-ESS) dahil ang naturang uri ng commodity ay maaring magdala ng panganib sa kaligtasan ng publiko at kapaligiran.
Matapos din iberipika ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), napag-alamang walang inilabas na Pre-Shipment Importation Clearance para sa importation nito.
Paliwanag naman ng representante ng importer na hindi kailangan ng clearance mula sa DENR dahil brand new ang solar modules.
Taliwas ang pahayag ng representante sa importation documents at goods declaration kung kaya’t humiling ang EPCD-ESS ng paglalabas ng Alert Order laban sa shipment saka nagsagawa ng physical examination.
Nadiskubre sa eksaminasyon na brand new ang solar modules taliwas sa unang deklarasyon.
Maliban dito, napag-alaman ding undervalue ang kargamento ng 155 porsyento na nagresulta sa pagkakaiba sa buwis ng P190,282.27.
Dahil dito, agad naglabas ng Warrant of Seizure and Detention laban sa kargamento matapos makita ang probable cause sa paglabag sa Section 1113 (F), (I), at (L-3, 4, & 5) na may kinalaman sa Section 1400 ng Customs Modernization and Tariff Act.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.