Pagtakbo ni Roque sa pagka-Senador sa 2022 elections, nakasalalay sa population protection sa COVID-19
Nakasalalay sa population protection sa COVID-19 vaccination ang pagpapasya ni Presidential Spokesman Harry Roque kung tatakbong senador sa 2022 elections.
Ayon kay Roque, saka na lamang niya iisipin ang kanyang political plans kapag nakamit na ang population protection.
“Nais ko muna pong makita na magkaroon ng kahit papaanong pagtatapos itong pandemyang ito sa pamamagitan po nang pagkamit ng population protection,” pahayag ni Roque.
Kasabay nito, pinasasalamatan ni Roque ang PDP-Laban sa pagkuha sa kanya bilang guest candidate sa pagka-senador.
“Well, unang-una, nagpapasalamat po ako sa PDP Laban ‘no. Talagang nagagalak po ako na kinonsidera nila ako bilang isang guest candidate. Pero kung maalala ninyo po, umalis na po ako sa trabahong ito pero bumalik dahil sa tingin ko nga mayroong tawag at paghamon ng panahon sa kalagitnaan po ng pandemya,” pahayag ni Roque.
Ayon kay Roque, mas makabubuti kung isasantabi muna ang pulitika at unahin muna ang pagtugon sa pandemya.
“So sinantatabi po muna natin ang mga planong politikal at tutok po tayo dito sa pag-engganyo sa ating mga kababayan – magpabakuna na po tayo para tayo po’y makapagbalik-buhay. ‘Pag mayroon na po tayong population protection sa Metro Manila, pag-iisipan ko na po ang aking mga political plans,” pahayag ni Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.