Sinabi ni Senator Joel Villanueva na ang hinihingi na P5.02-trillion national budget dapat ay makalikha ng mga bagong trabaho.
Aniya, hindi lang dapat sumesentro ang atensyon sa ginagasta sa suweldo ng mga naglilingkod sa gobyerno ang pambansang pondo kundi maging sa trabaho na nabubuo o nadadagdag.
Dagdag pa ni Villanueva, ang paggasta ay hindi rin lang dapat nakatuon sa kinahaharap na pandemya kundi sa pagpapalit sa mga nawalang trabaho bunga ng kasalukuyang public health crisis.
“If there is a ‘build, build, build,’ all the more should there be a ‘jobs, jobs, jobs’ program because the latter addresses COVID’s harshest side effect – the loss of income by many breadwinners,” aniya.
Sinabi nito na ang mga kontraktor ay maaring kumuha ng mga lokal na trabahador sa mga lugar kung saan itinatayo ang mga pampublikong proyekto.
Isa pang paraan aniya ng paglikha ng mga trabaho ay ang pagbili ng mga lokal na produkto, kasama na ang maaring magamit sa pagharap sa pandemya.
Diin ni Villanueva, ang gobyerno ang dapat na unang tumatangkilik sa mga lokal na produkto sa halip na magsilbing daan pa para bumili sa ibang bansa.