Ibinahagi ni Senator Panfillo Lacson na may isang indibiduwal ang nagpahayag na ng kahandaan na makipagtulungan sa pagbusisi ng Senate Blue Ribbon Committee sa ‘overpriced’ medical supplies na binili ng Department of Budget and Management – Procurement Service.
Umaasa si Lacson na kapag lumutang na ang ‘testigo’ ay marami pa ang susunod at maipapagpatuloy ng komite ang ginagawang pagbusisi sa paggasta ng bilyong-bilyong pisong COVID 19 fund ng Department of Health.
Gayundin, nais ng senador na kapag nagsalita na ang posibleng testigo ay lalabas na ang iba pang mga impormasyon.
Diin niya nakakapanghina ng loob, nakakadismaya at nakakagalit ang lumalabas na mga senyales ng katiwalian sa pagbili ng mga medical supplies para sa COVID-19 response.
Dagdag pa ni Lacson nakakadagdag pa sa kapos ng pagtugon ng gobyerno sa pandemya ang mga nabubunyag na korapsyon.
“While the Delta variant is to be blamed, ang ma-blame mo rin government response. We’re not responding accordingly sa prevailing situation. To make matters worse, may corruption involved. Naroon ang problema,” aniya.
Ang ‘overpricing’ ng P1 milyon sa bawat ambulansiya na binili ng DOH ang huling kinalkal ni Lacson.