Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na aabot sa P486 milyong pondo at libu-libong food packs na ang nakahanda para ipang-ayuda sa mga residenteng apektado ng bagyong Jolina at Kiko.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mahigpit na binabantayan ng Palasyo ang ginagawang operasyon ng pamahalaan.
Sinabi pa ni Roque na nasa P442.9 milyon ang quick response fund ng Department of Social Welfare and Development Central Office; P11.2 milyong pondo sa DSWD Field Offices sa Mimaropa, Region 5, Region 6 , Region 8 at nasa P32.5 milyon ang nasa ibang DSWD Field Offices.
Ayon kay Roque, nasa 12,535 Family Food Packs ang available sa Disaster Response Centers.
Patuloy ang pakiusap ng Palasyo sa publiko na manatiling alerto, mag-ingat at sumunod sa minimum public health standards na inilatag kontra COVID-19.
Dapat din aniyang sumunod sa lokal na pamahalaan lalo na kung ipag-uutos ang paglikas.