Nadagdagan pa ang bilang ng mga Filipinong walang trabaho, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Lumabas sa resulta na 27.6 porsyento o katumbas ng 13.5 milyon ng adult labor force ang unemployed sa June 2021.
Mas mataas ito ng 1.8 puntos kumpara sa 25.8 porsyento o 12.2 milyon na naitala noong May 2021.
Tinukoy ng SWS na kabilang sa tinatawag na ‘labor force’ ang mga may edad 18 pataas na may trabaho at naghahanap ng trabaho.
Sinabi nito na maituturing na ‘jobless’ ang mga boluntaryong umalis sa kanilang trabaho, first-time job seekers, at mga nawalang ng trabago dahil sa economic circumstances.
Dagdag nito, umabot ang kawalan ng trabaho sa ‘catastrophic level’ na 45.5 porsyento noong July 2020, at bumaba sa 39.5 porsyento noong September 2020, 27.3 porsyento noong November 2020 at 25.8 porsyento noong May 2021 bago muling tumaas sa 27.6 porsyento sa June 2021.
Batay sa datos ng SWS, ang dagdag na 1.8 puntos sa national joblessness rate ay dahil sa 10 points na nadagdag sa Metro Manila at 7 points sa Balance Luzon, kasama ang bumabang 8 points sa Visayas at 4 points sa Mindanao.
Mula sa 30.8 porsyento noong May 2021, umakyat sa 40.9 porsyento ang bilang ng mga walang trabaho sa Metro Manila sa June 2021.
Tumaas din sa 30.9 porsyento ang mga walang trabaho sa Balance Luzon, mula sa 24.2 porsyento noong May 2921.
Samantala, bumaba naman sa 21.3 porsyento ang joblessness rate sa Visayas sa June 2021, kumpara sa 28.7 porsyento noong May 2021.
Maging sa Mindanao, bumaba ang bilang ng mga walang trabaho sa naitalang 19.2 porsyento sa June 2021, kumpara sa 23 porsyento noong May 2021.
Isinagawa ang Second Quarter 2021 Social Weather Survey sa 1,200 adults sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa buong bansa mula June 23 hanggang 26, 2021.