“Kapag naging presidente si Duterte, he can easily have me killed”-Trillanes

By Dona Dominguez-Cargullo May 02, 2016 - 08:53 AM
Kuha ni Rose Cabrales
Kuha ni Rose Cabrales

Kayang-kaya umano ni Davao City Mayo Rodrigo Duterte na ipapatay si Senator Antonio Trillanes IV.

Ito ang sinabi ni Trillanes sa panayam ng Radyo Inquirer.

Ayon kay Trillanes, kung tutuusin alanganin para sa kaniyang panig ang ginagawa niyang pagbubunyag sa mga pera ni Duterte dahil sa sandaling manalo itong pangulo ng bansa ay madali para sa alkalde na siya ay ipapatay. “Alanganin ito para sa akin, pag naging presidente iyan, he can easily have me killed,” ani Trillanes.

Katunayan sa isang campaign sortie ni Duterte, sinabi ni Trillanes na nagbanta na ang alkalde na ipapapatay siya.

Ayon kay Trillanes, April 21, 2016 niya natanggap ang mga impormasyon hinggil sa bank accounts ni Duterte.

Napakadali naman aniya sana para sa kaniya na manahimik na lamang pero mas pinili niyang ibunyag ang impormasyon dahil bilang senador na inihalal ng taumbayan, may mandato na ibinigay para sa kaniya at tungkulin niyang ilahad ang totoo sa publiko. “Napakadali sanang tumahimik na lang ako at sumipsip ako sa kaniya . Pero, kaya ako inilagay sa senado ng publiko dahil naniniwala silang kaya kong tumindig at titindig ako laban sa kaniya (Duterte),” dagdag pa ni Trillanes.

Pangako ni Trillanes sa publiko, hindi niya uurungan si Duterte.

Sinabi ni Trillanes na napakadali naman kung tutuusin para sa alkalde na patunayang paninira lamang ang kaniyang ginagawa, basta’t pumayag lamang ito na pabuksan ang kaniyang accounts kasama ang lahat ng transaction history.

Panawagan ni Trillanes sa mga tagasuporta ni Duterte, pag-aaaralang mabuti ang ugali at pananalita nito. “Sa mga supporters ni Mayor Duterte, pagmasdan niyo ang kaniyang pag-uugali, pag-aralan niyo pananalita. Kapag nanalo ito, anim na taon tayong magsu-suffer,” ayon pa sa senador.

 

 

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.