Consumer protection sa cybercrimes hiniling ni Sen. Grace Poe
Naghain ng panukala si Senator Grace Poe para mabigyan proteksyon ang mga konsyumer sa mga cybercrimes, tulad ng ‘skimming’ at ‘phishing.’
Inihain ni Poe ang Senate Bill 2380 o ang Bank Account, E-Wallet and Other Financial Accounts Regulation Act dahil tumataas ang kaso ng cybercrimes lalo na ngayon mas pinipili ang online transactions bunga ng pandemya.
“Sa ilalim ng panukalang ito masisiguro natin na maiingatan ang pinaghirapang kita ng publiko at mapapanatili ang tiwala at kumpiyansa ng ating kababayan sa kasalukuyang financial system sa patuloy na mga pagbabago at reporma sa cyberspace,” pahayag ni Poe.
Binanggit ng senadora ang datos mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 98.4 porsiyento ng krimen at pagkalugi na iniulat ng mga bangko mula Marso 15 hanggang Mayo 18, 2020 ay pawang naganap online at umaabot na sa P60.6 milyon.
Dagdag pa ni Poe at base naman sa ulat ng PNP- Anti-Cybercrime Group, tumaas ng 37 porsiyento ang mga kaso ng online scam mula Marso hanggang Setyembre 2020 kumpara sa kaparehong panahon noong 2019.
“Sa pamamagitan ng mga digital platform, naging posible ang pagpapatuloy ng ating ekonomiya subalit kaakibat nito ang oportunidad para sa mga krimen. Dahil dito, kailangan natin ng matibay na proteksiyon hindi lamang upang maiwasan ang anumang criminal activity kundi para rin mabuksan ang buong potensyal ng digital platforms,” diin ng namumuno sa Senate Committee on Banks.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.