Magsasagawa na ng kanilang sariling imbestigasyon ang lokal na pamahalaan ng Aklan sa kaso ng isang negosyanteng nahulihan ng bala sa Caticlan airport noong nakaraang Huwebes.
Nais ni Gov. Florencio Miraflores na matukoy kung ang pagkakakumpiska ng 14 na piraso ng bala sa bagahe ng negosyanteng si Jerome Sulit ay may kinalaman sa ‘tanim-bala’ scam na naglipana sa Ninoy Aquino International Airport o hindi.
Ayon kay Miraflores, nais nilang malaman ang puno’t-dulo ng insidente dahil posibleng maapektuhan ang tourism industry ng lalawigan sa paglutang ng naturang insidente.
Aniya, umaabot sa P40 bilyong piso ang ipinapasok na kita ng turismo sa Aklan na dinadayo ng 1.5 milyong turista taun-taon.
Suportado naman ng Boracay Foundation Inc., isang grupo ng mga negosyante ang plano ng lokal na pamahalaan na magsagawa ng imbestigasyon sa insidente.
Noong Huwebes, pinigil ng airport security si Sulit matapos madiskubre sa kanyang sling bag ang 14 na piraso ng bala.
Napag-alaman na nag-honeymoon lamang ng apat na araw si Sulit at ang misis nito sa Boracay at pabalik na sa Maynila nang madiskubre ang bala sa kanyang bag.
Kinasuhan ng Paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulations Act ang negosyante at napalaya lamang matapos maghain ng P40,000 piyansa.