Isolation facility, bed dorms sa National Center for Mental Health, nakatakdang i-turnover sa Setyembre
Nakatakdang i-turnover ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Department of Health (DOH) ang karagdagang health care facilities sa National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City sa kalagitnaan ng Setyembre.
Ayon kay DPWH Secretary at Isolation Czar Mark Villar, ginawang quarantine/isolation facility ang shipping containers para sa mild at asymptomatic cases sa NCMH.
Aniya, makatutulong ang bagong pasilidad sa pagtugon ng health workers kasabay ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at katabing probinsya.
Kayang ma-accommodate ng pasilidad ang mas maraming mild cases kung kaya’t makatutulong ito para maging bakante ang hospital beds para sa mga moderate, critical at severe case.
Sa ulat sa kalihim, sinabi ni Undersecretary Emil Sadain na 40 units ng standard 20 feet by 8 feet na shipping container ang nai-convert ng DPWH National Capital Region (NCR) – Metro Manila First District Engineering Office na maging temporary treatment at monitoring facility na may 80 beds.
Maari ring gamitin ang isolation facility bilang ‘step-down facility’ para sa mga pasyenteng mayroong mild hanggang moderate symptoms ngunit nakaka-recover na sa virus.
Gamit ang dagdag na limang shipping containers, mayroong hiwalay na kwarto sa naturang pasilidad para sa hospital workers, doctor/nurse station na tuturok sa kondisyon ng mga pasyente, laboratory room, at electrical room.
Maliban dito, malapit na ring matapos ng DPWH ang dalawang cluster units ng off-site dormitories para sa medical frontliners.
Bawat isang unit ay may 24 fully airconditioned rooms at double decker beds na may toilet at shower na kayang mag-accommodate ng 96 katao.
Dahil sa patuloy na nararanasang pandemya, magtatayo pa ang DPWH ng anim pang modular hospital units na may 132 total bed capacity sa NCMH compound.
Sa ngayon, nakapagtayo na ang kagawaran ng 758 healthcare facilities na may total capacity na 28,102 sa buong bansa.
Sa 758 pasilidad, 685 rito ay quarantine/isolation facilities na may 26,329 beds, 22 modular hospitals na may 453 beds, at 51 off-site dormitories na may 1,320 beds.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.