Rep. Robes, umapelang serpitikahang ‘urgent’ ang ‘pre-audit system bill’
Umapela si House Committee on People’s Participation chairman Rida Robes kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang ‘urgent’ ang “pre-audit system bill”.
Ayon kay Robes, napapanahon na maisabatas ang panukala, na aniya’y sagot sa mga kontrobersiya ukol sa “findings” o mga nasisilip ng Commission on Audit o COA sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, gaya ng Department of Health o DOH.
Naniniwala ang mambabatas na kapag naging ganap na batas ang House Bill 7124 na nagsusulong ng pre-audit system sa public funds, mababawasan at maiiwasan ang anumang pagkwestyon kung papaano nagagamit ang mga pondo.
Dagdag ni Robes, pangunahing layunin ng panukala ang “transparency at accountability” sa disbursement o paglalabas ng mga pondo.
Sa ilalim ng panukala, bubuo ng Pre-Audit Office ang COA na magsasagawa ng auditing at pagrepaso sa lahat ng mga transaksyon at kontrata ng mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan, bago i-release o ilabas ang mga pondo para sa implementasyon.
Bukod dito, sinabi ni Robes na titiyakin ng naturang sistema na ang mga pondo ay magagamit ng wasto sa loob ng “allotted period” o panahon ng implementasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.