PNP, handa na sa pagpapatupad ng granular lockdown sa NCR

By Angellic Jordan September 06, 2021 - 03:19 PM

PNP photo

Handa na ang Philippine National Police (PNP) na umasiste sa implementasyon ng pilot testing ng granular lockdown sa Metro Manila.

Inatasan na ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang lahat ng police commanders sa Metro Manila, sa pamamagitan ng Joint Task Force COVID Shield at NCRPO na makipag-ugnayan sa mga local government unit ukol sa pagpapatupad ng granular lockdown.

“Batay na rin sa kautusan ng ating SILG Eduardo Año, inatasan ko na ang ating mga police commanders sa Metro Manila na makipag-ugnayan sa kani-kanilang local government units sa pagpapatupad ng granular lockdown upang matiyak ang maayos na pagpapatupad at maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad nito,” pahayag ni Eleazar.

Bago pa man ang anunsiyo ukol sa granular lockdown, ipinag-utos na aniya niya sa Metro Manila police commanders na maghanda para sa posibleng implementasyon nito.

Kasunod ng anunsiyo ni DILG Secretary Eduardo Año, sinabi ni Eleazar na dapat nang simulan ang koordinasyon upang matiyak na magiging maayos ang implementasyon nito.

Base sa datos ng PNP, nasa 51 barangay sa Metro Manila ang nasa ilalim ng granular lockdown.

“Ang pagpapatupad ng granular lockdown ay solusyon na nakikita ng ating pamahalaan na balansehin ang pagbubukas ng ekonomiya at ang kontrolin ang pagkalat ng COVID-19. Sinusuportahan ito ng inyong PNP,” ani Eleazar.

Hinikayat ng hepe ng pambansang pulisya ang kooperassyon ng publiko para mahinto ang pagkalat ng COVID-19,

“Kung hindi man para sa ating sarili ay sumunod tayo sa mga public health safety at quarantine protocols para sa kaligtasan at kalusugan ng ating mga mahal sa buhay,” dagdag ni Eleazar.

TAGS: granularlockdown, GuillermoEleazar, InquirerNews, PNP, RadyoInquirerNews, granularlockdown, GuillermoEleazar, InquirerNews, PNP, RadyoInquirerNews

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.