Kapalpakan ng administrasyon sa COVID-19, magiging dagok sa 2022 elections
September 04, 2021 - 02:59 PM
Naniniwala ang batikang political analyst na si Mon Casiple na ang naging pandemic response ng national at local leaders ang syang magiging sukatan ng mga botante sa 2022 election.
Ipinaliwanag ni Casiple na ang kultura ng mga Filipino ay hindi madaling nakakalimot, sa pinagdaanan ng bawat isa sa panahon ng pandemic ay kung sino ang nakatulong at nakita nilang may nagawa ang may malaking puntos na mahalal habang tiyak na hindi na maboboto ang mga palpak na pulitiko.
“Hindi na yung mga pangako sa tingin ko ang magdadala sa campaign, nasawa na ang tao sa pangako, ngayong 2022 elections ay titignan ng mga botante kung sino ang aktibong tumulong at nasa forefront sa 2 taong nasa pandemic ang bansa,” paliwanag ni Casiple.
Ani Casiple kabado sa 2022 elections yung mga pulitikong walang ginawa para tugunan ang COVID cases sa kanilang lugar habang kampante na sa pangangampanya ang mga kumilos na pulitiko at nagpakita ng kanilang kagalingan sa pagtugon sa pandemic.
Partikular na masusukat sa ganitong batayan ang mga administration bets na tatakbo sa presidential post, mga mayors at governors.
Si Davao City Mayor Sara Duterte ng administrasyon na matunog sa presidential race ay nakakatanggap ng pagbabatikos sa pagtugon nya sa mataas na COVID cases sa Davao, sa September 3 data ng Department of Health ay nanatiling pinakamatas ang Davao City sa Davao Region sa COVID case na nasa 426 at 11 ang nasawi, mula noong buwan ng Mayo ay nakakapagtala ng mataas na kaso ang Davao kung saan natataasan pa nito ang malalaking lungsod na may malalaking populasyon sa National Capital Region.
Umani din ng pagbatikos ang alkalde sa ginawa nitong pag-iikot sa ilang lalawigan at pagbisita sa ilang political leaders bilang bahagi ng kanyang consultation meeting na kanyang ginawa sa kasagsagan ng paglobo ng covid cases sa Davao.
Samantala, ganito rin ang palagay ng ilan pang analyst, sinabi ni Victor Andres Manhit, presidene ng think tank Albert del Rosario Institute for Strategic and International Studies na ang naranasang kahirapan, gutom, kawalang trabaho, pagtaas ng presyo ng bilihin at pandemic ang syang malaking isyu sa 2022 election.
Giniit naman ni Michael Henry Yusingco ng Ateneo de Manila University Policy Center na ang pandemic response ng administrasyon ang magpapabagsak sa popularidad ni Pangulong Duterte.
Sa survey ng Pulse Asia Research noong Hunyo lumilitaw na 9 sa bawat 10 PInoy ang nagsabing bagsak ang covid response ng administrasyon, tinukoy dito ang kulang na financial aid, mabagal na vaccine rollout, hindi maayos na pagpapatupad ng health protocols at kawalan ng trabaho.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.