(DAR photo)
Mas madali na ngayon ang proseso sa pagpaparsela sa mga kolektibong titulo ng lupa.
Ito ay dahil sa gagamit na ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng mabilis at mahusay na paraan upang mangolekta ng datos sa mga may-ari ng lupa.
Ayon kay DAR Regional Director Primo Lara na ang gawaing ito ay nasa ilalim ng proyektong Support for Parcellation of Lands for Individual Titling (SPLIT).
Layunin ng proyekto na mapabilis ang subdibisyon ng lupa o parselisasyon ng Collective Certificate of Land Ownership Award (CCLOAs) at kalaunan ay maglabas ng mga indibidwal na titulo ng lupa sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) na dating ginawaran ng mga lupain at mga collective CLOA sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
“Ang hakbang na ito ay alinsunod sa utos ng Pangulo na tapusin ang land acquisition and distribution balance sa 2024, at ipamahagi ang mga lupang nakatiwangwang na pag-aari ng pamahalaan, at iparsela ang mga CCLOAs sa mga magsasaka,” ani Lara.
Sinabi ni Lara na ang application na gagamitin ng mga documenter o mga tagatala ay tinatawag na KoBo Toolbox. Ito ay isang libre at open-source android software na nilikha ng isang pangkat ng mga developer na nakabase sa Cambridge, Massachusetts sa Amerika.
Pinili ng Central Project Management Office (CPMO) ng Project SPLIT ang Ilocos Region bilang pilot region para sa field test at workshop ng android tool. Sa pilot testing, ito ay napatunayan ng mga documenter ng environment and social safeguards (ESS) na mabisa at epektibo habang ginanap ang simulation sa buong rehiyon nitong linggong ito.
“Ito ay walang papel, portable, at mahusay. Sa halip na magdala ng papel at panulat sa field, ang aming mga documentors ay sinanay upang gumamit ng application sa smartphone kung saan maaari nilang direktang ma-encode ang impormasyon sa mga form ng ESS at mag-upload ng soft copy ng mga dokumento na kinakailangan isumite sa World Bank,” ani Lara.
“Ang pamamaraang ito ay hindi lamang binabawasan ang pisikal na pakikipag-ugnay sa pagitan ng mga ARBs at mga miyembro ng mga field validation teams (FVTs), kung hindi binabawasan din ang dami ng oras na kinakailangan upang makalikom ng impormasyong kinakailangan para sa proseso ng pagpaparsela ng titulo ng lupa,” paliwanag ni Lara.
Ang mga geodetic engineers ng FVT na sumailalim rin sa pagsasanay sa paggamit ng app, ay gumagamit din ng ganitong diskarte sa pag-encode ng mga teknikal na paglalarawan ng mga lupain sa pamamagitan ng isang computer program.
“Ang buong rehiyon ay nagpapasalamat sa lahat ng mga nagturo. Kami ang unang rehiyon na gumagamit ngayon ng app na ito, kaya galingan natin,” aniya.
Ang proyektong SPLIT ay pinondohan ng World Bank ng P24 Bilyon. Ang proyekto ay ipatutupad ng tatlong pambansang ahensya: ang Department of Agrarian Reform, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Land Registration Authority (LRA), bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na paghati-hatiin ang collective parcel ng mga lupa at bilang konstitusyonal na mandato ng hustisyang panlipunan para sa mga ARB.