Hanay ng mga mangagagawa at health workers umalma sa palpak na gobyerno, suporta sa mag-amang Mayor Sara at Pangulong Duterte wala na
By: Chona Yu
- 3 years ago
Ramdam sa buong mundo ang hagupit ng COVID-19 pandemic, ngunit hindi to dapat gawing palusot ng Duterte administration sa nararanasang virus surge sa Pilipinas na resulta ng kahinaan ng gobyerno.
Kapwa tinuran ng labor group na Trade Union Congress of the Philippines(TUCP) at health group na Medical Action Group (MAG) na mayroong pondo para sa ayuda at pambili ng medical supplies ngunit hindi nakakarating sa tao dala na rin ng korupsyon at kapabayaan ng administrasyon.
“Eto ang problema ngayon. Kulang na nga ng ayuda, marami ang walang trabaho, may trabaho man pero underemployed, kulang ang sahod, kulang ang oras ng pagtatrabaho. Nung nag-lockdown, kulang ang ayuda, hindi sapat. Iba-iba, magkakaiba ang listahan ng DSWD, LGU at barangay. Ang daming issues, maraming challenges para sa mga manggagawa lalong lalo na sa panahon ngayon – ang ating gobyerno especially yung nasa Executive department at sa Senado, nagkakagulo. Hindi sila magkasundo” paliwanag ni TUCP Spokesperson Allan Tanjusay kung saan inamin nyang “dissatisfied” ang majority ng hanay ng mga manggagawa sa Duterte administration.
Gayundin ang sintimyento ni MAG Chairperson Dr. Nemuel Fajutagana, aniya, nakakabahala ang pinakabagong surge ng virus, sa 22,000 daily cases ay nakakatakot magkaroon ng pag-collapse sa healthcare system na sinundan pa ng mass resignation ng mga health workers.
“Napaka-ironic, tayo na bansa na kilala sa buong mundo bilang highest or the biggest supplier of nurses in the world and second biggest supplier of doctors in the world ay nagsa-suffer ngayon sa kakulangan,” pahayag ni Fajutagana.
Pinuna ni Fajutagana na nagagawa ni Pangulong Duterte na iutos na wala nang bidding sa pagbili ng bilyong medical supplies na pumapabor sa malalapit na kaibigan ngunit pagdating sa benefits ng heath workers ay andaming rason.
“bakit nadedelay ito samantalang sa isang click lang ng finger ni President Duterte ay narerelease yung bilyones para sa isang purchase ng PPE na inamin mismo Presidente Duterte walang bidding dahil siya mismo ang nag-order. Ibig sabihin kung kaya niyang gawin yun, ganun lang pero bakit hindi magawa para sa ating health frontliners” ani Fajutagana.
Ibat ibang trade union workers din ang nagsama sama para wakasan na ang Duterte era, ito ay kasunud ng inaasahang pagtakbo sa 2022 presidential election ni Davao Mayor Sara Duterte .
Iginiit ng grupong Alliance of Labor Leaders for Leni Robredo at Labor Agenda na hindi na papayagan ng taumbayan na ipagpatuloy ni Mayor Sara ang kapalpakan ng kanyang ama, malinaw umano na kung ito ang mauupo ay parehas na kalbaryong 6 na taon din ang sasapitin ng mga Filipino.
“Workers do not deserve to suffer six more years of the same brand of politics. The reign of Duterte and his minions must come to an end,” pagtatapos pa ng grupo.