Mga hindi residente ng San Juan City na nais magpabakuna sa lungsod, maari nang magparehistro
Binuksan na ng San Juan City government ang registration para sa pagbabakuna ng mga hindi residente o hindi nagtatrabaho sa lungsod.
Sinabi ng San Juan LGU na binuksan ang pagbabakuna sa mga hindi residente o nagtatrabaho sa lungsod bilang tulong sa kapwa Filipino.
Sa Facebook post ni Mayor Francis Zamora, sinabi nito na maaring makapagparehistro sa pamamagitan ng ibinigay na QR Code o pumunta sa link na ito: https://bit.ly/3Bupewr
Aniya, maghintay muna ng confirmatory text bago magtungo sa vaccination site sa Greenhills Theater Mall.
Paalala pa nito, bawal ang walk-in at ipatutupad ang ‘first come, first served basis’ hangga’t mayroong suplay ng bakuna mula sa national government.
Sa pagpunta sa vaccination site, siguraduhing may dalang valid government ID at tanging may edad 18 pataas palamang ang papayagan.
“Ang lahat po ng pangalan ng magpapa-rehistro sa Juan Vax ay aming isusumite sa DICT upang i-verify nila kung sila ba ay bakunado na o hindi pa. Ang mga ite-text po namin ay ang mga pangalan na sasabihin ng DICT na hindi pa bakunado,” ani Mayor Zamora.
Ibinabala rin ng San Juan LGU na bawal magpa-booster shoot o magpabakuna ng pangatlo o pang-apat na beses.
Papatawan ang sinumang mahuli ng karampatang parusa na pagkakakulong ng anim na buwan hanggang isang taon at P5,000 multa, base sa City Ordinance No. 45, series of 2021.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.