Pinalakas ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa illegal recruiters kasabay ng pagpirma ng memorandum circular sa pagbuo ng PNP Task Force Against Illegal Recruitment (PNP-TFAIR).
Layon ng bagong task force na paigtingin ang operasyon upang maprotektahan ang mga Filipino mula sa iba’t ibang modus operandi na nambibiktima sa paghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, hindi man masyadong pansin dahil sa pandemya ngunit marami pa ring Filipino ang nabibiktima ng mga illegal recruiter na nagreresulta sa pagkabaon sa utang at kapahamakan.
“On orders of our SILG Eduardo Año, I have signed a Memorandum Circular revitalizing the PNP Task Force Against Illegal Recruitment which directs the CIDG to conduct a crackdown against these unscrupulous persons taking advantage of our kababayan who aspire to work overseas as a means to escape poverty and sufficiently provide for their families,” saad nito.
Mandato rin aniya ng PNP-TFAIR na magsagawa ng surveillance at entrapment operations sa mga indibiduwal na sangkot sa illegal recruitment kabilang ang escort services sa mga international airport at iba pang daungan ng pag-alis.
Inaasahang makakabuo ang naturang task force ng priority target list base sa intelligence-gathering, partikularly sa impormasyon na nakukuha sa mga biktima.
“Part of this memorandum is working closely with other government agencies for the protection of our OFWs as our own little way of recognizing their big contribution to the economy over the years,” ayon pa sa hepe ng PNP.
Hinikayat naman ni Eleazar ang publiko na maging maingat at mapagmatyag sa makikitungo sa mga indibiduwal kasabay ng planong pagtatrabaho sa ibang bansa.
Abiso nito sa publiko, agad i-report sa mga awtoridad sakaling mabiktima nito.
Payo pa nito, may mga paraan upang malaman kung legal ang recruiter na nakakausap. Isa aniya rito ang pagbeberipika sa Philippine Overseas Employment Agency kung legal o hindi ang recruitment agency na katransaksyon.
“Panawagan ko sa ating mga kababayan na huwag mag-atubiling dumulog sa PNP kung sila ay may impormasyon sa mga illegal recruiters o ‘di kaya ay biktima ng mga ito. Ang impormasyon na ibibigay ninyo ay isang malaking tulong upang hindi na makapang-biktima ang mga illegal recruiters na ito,” ani Eleazar.