Ayon kay Poe, isa sa mga pinakalabis na naapektuhan ng pandemya ay ang jeepney drivers kaya’t sila ang labis na nangangailangan ng tulong sa pamamagitan ng alternatibong pagkakakitaan.
Ang mapipiling 70 jeepney drivers ay tatanggap ng P30,000 halaga ng ‘starter kit’ para sa welding, car wash, cellphone repair at appliance repair services, electrical, plumbing at massage services.
Ayon pa sa senadora, maaring ding piliin ang ‘Negosyo sa Kariton (Nego Kart)’ na para naman sa pagtitinda ng kung anu-anong pangangailangan ng publiko.
Paliwanag ni Poe, ang mga mabibigyan ng tulong-pangkabuhayan ay mga hindi kasama sa 4Ps, nakatira sa ‘NCR Plus’ at labis na naapektuhan ng quarantine restrictions o hindi na makapamasada dahil sila ay may ‘comorbidity.’
Ang proyekto ay inilunsad sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Kasabay naman ng pagdiriwang ng ika-53 kaarawan ni Poe, namahagi ito ng tulong sa public utility vehicle (PUV) drivers sa pamamagitan ng Panday Bayanihan.