Davao Oriental, isasailalim sa dalawang linggong ECQ
Isasailalim sa dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Davao Oriental simula September 8 hanggang 21, 2021.
Ayon sa Provincial Government of Davao Oriental, napagkasunduan ito ng lahat ng local chief executive ng probinsya, sa pamumuno ni Governor Nelson Dayanghirang, sa isinagawang emergency meeting dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Narito ang ilang polisiya sa kasagsagan ng ECQ:
– May curfew hours simula 8:00 ng gabi hanggang 5:00 ng madaling-araw.
– 24 oras na liquor ban
– Limitado lamang sa tatlong araw ang mga burol
– Istriktong border control upang mapigilan ang non-essential travels.
– Istriktong establishment monitoring
Pinaalalahanan ng Provincial Task Force on COVID-19 ang publiko na mahigpit na ipatutupad ang ECQ guidelines.
Ayon kay PTF on COVID-19 Action Officer Dr. Reden Bersaldo, layon ng pagpapatupad ng ECQ na makatutok ang healthcare sector sa recovery at treatment ng COVID-19 cases.
Base sa huling ulat, umabot na sa 5,583 ang kaso ng nakakahawang sakit sa Davao Oriental, kung saan 1,227 ang aktibo pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.