Lumalakas ang panawagan para sa pagtakbo ni Robredo bilang pangulo sa 2022 — Pangilinan

By Chona Yu September 03, 2021 - 08:23 AM

Lumalakas na ang panawagan mula sa iba’t-ibang sektor para sa pagtakbo ni Vice President Leni Robredo bilang pangulo sa 2022, ayon sa isang mambabatas. “Lahat ng gusto na maging pangulo si VP Leni, gusto siya dahil ang daming resibo ng serbisyo niya sa bayan lalo na ngayong pandemya,” wika ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan. Inihalintulad nito si Robredo sa isang ina na ibinibigay ang pangangailangan ng mga Filipino ngayong panahon ng pandemya , tulad ng personal protective equipemtn (PPE), testing, gamot, at pati na psycho-social support. “Pinupuno pa niya tayong lahat ng pag-asa sa kanyang walang-kapagurang pagserbisyo,” dugtong ni Pangilinan. Ipinunto pa ng pangulo ng Liberal Party na nagsilbing inspirasyon ang lumalakas na panawagan sa mga volunteer, kabilang ang health workers, na buhayin ang diwa ng bayanihan ngayong panahon ng krisis. “Walang drama. Walang pulitika. Serbisyo lang. Ganyan si VP Leni,” sabi pa ng senador. Nanawagan din si Pangilinan sa sa mga tagasuporta ni Robredo na bigyan ang bise presidente ng sapat na panahon at espasyo para magdesisyon at palakasin pa ang panawagan para tanggapin niya ang hamon na tumakbo bilang pangulo. “Sa kanyang pagbigay sa atin ng inspirasyon, mas i-inspire pa natin siya ng ating suporta. Kausapin natin ang mga kamag-anak at kaibigan at pursigihing makumbinsi siyang magpasiya para sa ikabubuti ng ating kalusugan, ng ating kinabukasan, ng ating mga anak,” aniya. Noong Lunes, nagsagawa ng online gathering ang mahigit 200 grupo na kumakatawan sa mahigit 500,000 miyembro para kumbinsihin siyang tumakbo bilang pangulo. Sa nasabing pagtitipon, binasa ng mga grupo at mga volunteer ang isang Manifesto of Support kung saan nagpahayag sila ng buong suporta kay VP Robredo sakaling tumakbo siya bilang pangulo sa 2022. Tinaguriang “Kay Robredo, Taumbayan ang Panalo: The People’s Convention”, pinapurihan ng mga volunteer at iba’t ibang grupo ang magaling na liderato ni Robredo, lalo na sa gitna ng pandemya. Bilang pangulo ng Liberal Party, nais ni Pangilinan na pagkaisahin ang lahat ng puwersa ng oposisyon sa likod ni Robredo bilang tanging kandidato sa halalan sa 2022.

TAGS: 2022 national elections, kiko pangilinan, leni robredo, 2022 national elections, kiko pangilinan, leni robredo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.