Resolusyon na nagpapadeklara ng “housing crisis” sa bansa, pinagtibay sa Kamara
Pinagtibay ng Mababang Kapulungan ang isang resolusyon na nagpapadeklara ng “housing crisis” sa bansa.
Sa House Resolution 1677, na iniakda nina Negros Occidental Rep. Kiko Benitez, San Jose del Monte, Bulacan Rep. Rida Robes at iba pang mga mambabatas, hinihimok ang Ehekutibo na ikasa ang kinakailangan hakbang upang mapabilis ang pabahay sa “underserved” na mga pamilya.
Binanggit dito na 6.7 milyong bahay ang kailangan hanggang sa taong 2022 kung kaya kailangang kumilos ng mga ahensya ng pamahalaan para sa socialized housing, sa tulong ng pribadong sektor.
Base sa tala ng DHSUD, nasa 1.8 milyong pamilya ang “informal settlers” at higit 478,000 ay nasa Metro Manila.
Ayon kay Robes, vice chairman ng House Committee on Housing and Urban Development, sana ay maging prayoridad sa ilalim ng panukalang 2022 national budget ang programang pabahay, lalo’t maraming pamilyang Pilipino ang nangangailangan, habang ang ibang pamilya ay nawalan ng tahanan matapos maapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Sabi ni Robee, target nila na matapos ang backlog sa loob ng tatlo hanggang limang taon.
Natatagalan kasi aniya ang paggawa ng isang proyekto dahil sa mga proseso na pinagdadaanan nito.
Isa sa nakikitang dahilan ni Robes ng pagdami ng informal settlers ay ang kawalan ng programa ng mga local government para sa mga ini-relocate sa kanilang mga lokalidad.
“There are several LGUs, they just welcome yung mga informal settlers pero wala naman silang program….noon kasi ang mga previous management lagay lang sila ng lagay, walang school, walang clinic, walang utilities- water at electricity, dati wala yan. Ngayon complete package,” saad ni Robes.
Sa resolusyon, binanggit na napakaliit ng alokasyong laan ng gobyerno para sa pabahay, kung saan mula 2010 hanggang 2021 ay nasa 0.74 porsyento lamang ito ng pambansang pondo.
Kabilang naman sa iba pang tinukoy na hamon sa sektor ng pabahay ay ang “inefficiencies” at red tape sa gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.