May posibilidad na dalawa hanggang tatlong bagyo ang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa buwan ng Setyembre.
Ayon kay PAGASA weather specialist Joey Figuracion, base ito sa record na naitala sa mga nakalipas na taon tuwing sasapit ang kaparehong buwan.
Sa ngayon, apektado pa rin ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ang buong bansa.
Bunsod nito, asahan pa rin ang kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa buong Visayas, Mindanao, MIMAROPA, at Bicol region.
Sa nalalabi namang bahagi ng Luzon, kasama ang Metro Manila, magiging maaliwalas ang panahon. Posible lamang aniyang makaranas ng mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Sa susunod na tatlo hanggang limang araw, walang inaasahang papasok o mabubuong bagyo sa teritoryo ng bansa.