Viral motorcycle stunts kung saan sangkot umano ang mga pulis sa Zambales, iimbestigahan ng PNP
Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa ginawang motorcycle stunts ng dalawang rider na sinasabing mga pulis.
Nag-viral ang video ng pagsasagawa ng mapanganib na motorcycle stunts ng dalawang rider sa Zambales.
Ayon kay Eleazar, agad siyang nagbaba ng direktiba upang madetermina kung pulis ang dalawang rider sa viral video.
“Matapos kong mapanood ang viral video na ito, agad kong inatasan ang RD, PRO3, Police Brig. Gen. Val de Leon pati na din ang Director ng Highway Patrol Group na tukuyin, imbestigahan at patawan ng karampatang parusa ang mga kamote riders na ito. Kasama sa aking utos ay alamin kung mga pulis nga ang dalawang ito,” saad nito.
Hindi lamang aniya ito mapanganib sa kanilang buhay, kundi maging sa iba pang motorista na nasa kalye.
“May tamang lugar sa mga ganitong klaseng gawain at kailanman ay hindi kasama ang mga pampublikong kalsada dahil maari itong magdulot ng aksidente na ikakapahamak ng mga motorista at ng iba pa nating mga kababayan,” pahayag ni Eleazar.
Kung lumabas sa imbestigasyon na pulis ang mga rider, agad aniyang papatawan ng parusa ang mga ito.
“Inaasahan ko ang mabilis na resulta ng imbestigasyon tungkol dito at binabalaan ko din ang ating mga pulis na motorcycle riders na huwag tularan ang mga iresponsable at mga payasong riders na ito,” dagdag nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.