Bayani ang pagsisilbi sa kapwa ngayon may pandemya – VP Leni

Sa muling paggunita sa bansa ng Pambansang Araw ng mga Bayani, sinabi ni Vice President Leni Robredo na pagiging bayani na ang munting pagkilos para sa kapwa.

”Bawat Pilipino, puwedeng maging bayani. At ang totoo nga—lalo ngayong panahon ng krisis—bawat Pilipino, tinatawag na maging bayani. Hindi kailangang magarbo ang pagkilos; bawat hakbang, gaano man kaliit, ay kabayanihan basta nakatuon sa kapwa,” sabi ni Robredo sa kanyang Facebook post.

Dagdag pa niya: “Sa panahong ito, kabayanihan ang pagsisilbi sa propesyong medikal; ang pagpapabakuna; ang pagsunod sa health protocols; ang pagbabahagi ng katotohanan at pagpalag sa kasinungalingan; ang pagtulong sa nangangailangan sa abot ng makakaya.”

Aniya ang kabayanihan ay hindi lang nangyayari sa pakikidigma dahil aniya naniniwala siya na ang lahat ay maaring maging bayani kahit sa pamamagitan lamang ng pagiging magandang halimbawa sa kapwa.

Ito aniya ay maaring magkaroon ng pagkakataon kahit saan, sa bahay, eskuwelahan, opisina at komunidad.

”Ang potensyal ng kabayanihan ay nasa loob natin, pamana ng mga kapwa-Pilipinong nauna sa atin at nagbahagi ng magandang halimbawa: Ng pagbubukas-loob, pagiging tapat at makatotohanan, pag-una sa kapwa kaysa sa pansariling interes, pagkilos nang marangal, at pagmamalasakit,” dagdag pa niya.

Sinabi pa ni Robredo na maraming Filipino ang bayani dahil sa kanilang kagitinngan, sakripisyo at kadakilaan, maging pag-aalay ng buhay ang hindi nabanggit sa kasaysayan, ngunit patuloy na nabubuhay sa marami ang kanilang pangarap at pinaghirapan.

Read more...