Imbestigasyon ng mga senador sa iba’t- ibang isyu huwag paniwalaan ayon kay Pangulong Duterte
By Chona Yu August 27, 2021 - 08:30 AM
(Palace photo)
Binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga senador na nagsasagawa ng iba’t-ibang imbestigasyon.
Ayon sa Pangulo, pumuporma na kasi ang mga senador para sa 2022 national elections.
Giit ng Pangulo, hindi dapat na maniwala ang taong bayan sa mga imbestigasyon ng mga senador.
Puro lang kasi aniya imbestigasyon ang ginagawa ng mga mambabatas.
Matapos kasi aniya ang dalawa o tatlong araw na imbestigasyon, wala namang resulta, walang rekomendasyon, walang naisasampang kaso at walang nakukulong.
Kamakailan lamang, nagsagawa ang senado ng imbestigasyon sa P67 bilyong COVID fund ng Department of Health na una nang pinuna ng Commission on Audit.
Noong nakaraang taon naman inimbestigahan ng Senado ang umanoy korupsyon sa DOH at Philhealth.
Inirekomenda noon ng Senado na sibakin si Health Secretary Francisco Duque pero hindi ito ginawa ni Pangulong Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.