Sa kanilang pahayag na inilabas April 19, araw ng Biyernes, mariing itinanggi ng BPI na nagkaroon ng breach sa seguridad ng impormasyon ng kanilang mga kliyente.
Nagdesisyon na ang BPI na magsalita ukol sa isyu makaraang ilang netizens ang nagpahayag ng kanilang pagka-dismaya sa kung paano nabungkal ni Trillanes ang mga accounts ni Duterte sa kanilang bangko.
Hinaing ng mga netizens, kung kaya ng isang senador tulad ni Trillanes na baliin ang batas sa bank secrecy para kalkalin ang account ng isang presidentiable, ibig sabihin ay kayang kaya rin itong gawin sa kanilang mga ordinaryong mamamayan.
Ayon pa sa pahayag ng BPI, nagsagawa na sila ng imbestigasyon at wala naman silang nakitang breach.
Nananatili pa rin anila sila bilang isa sa mga bangkong may pinakamahigpit na data protection practice sa banking industry.
Bukod dito, tiniyak nila na pinagtutuunan nila ng pansin ang pag-protekta sa mga impormasyon ng mga kliyente upang mapangalagaan ang tiwalang ibinigay ng mga ito sa kanilang kumpanya.
“Our internal investigation reveals that there has been no such breach. BPI continues to have one of the most highly regarded data protection practices in the industry, and we are committed to protecting client information and preserving the trust bestowed on us by our clients all these years,” nakasaad sa pahayag.
Samantala, pumayag naman na si Duterte na buksan ang kaniyang bank accounts sa BPI Julia Vargas sa Pasig City sa Lunes, May 2.
Hindi man personal na makakapunta si Duterte para sa hamon ni Trillanes, ang kaniyang abogadong si Atty. Salvador Panelo na ang gagawa nito sa ngalan ng alkalde.