Isinagawa ang aktibidad sa municipal gymnasiums ng bawat bayan upang masigurong nasusunod ang physical distancing.
Sa kaniyang video message, umapela si Go sa nasa 4,015 beneficiaries na binubuo ng mga tindero sa palengke at miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association members na makiisa sa national vaccination program lalo pa at kabilang sila sa priority groups.
Hinimok din ni Go ang mga lokal na pamahalaan na tiyakin ang maayos na vaccination roll-out.
Umapela din si Go sa mga LGU na tiyaking maipaprayoridad sa vaccination program ang mga nakatatanda dahil mas delikado silang madapuan ng COVID-19 virus.
“Mga kababayan ko, nandidiyan na po ang bakuna unti-unti. ‘Pag nasa priority list na po, magpabakuna na ho kayo para po protektado po kayo. Kung mahal niyo po ang inyong mga pamilya, magpabakuna na po kayo. Huwag ho kayong matakot sa bakuna. Libre po ito.” ayon kay Go.
Namahagi ang team ng senador ng relief items, gaya ng pagkain, face masks, face shields, at vitamins. May mga nakatanggap din ng bagong pares ng sapatos at bisikleta.
Habang namahagi rin ang senador ng computer tablets sa ilang essential workers upang magamit ng kanilang mga anak sa blended learning.
Nakiisa din sa aktibidad ang Department of Trade and Industry (DTI) at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para magsagawa ng on-site assessment sa mga kwalipikadong indibidwal na makatanggap ng livelihood support at scholarship grants.
Ayon kay Fernando Hicole, 54-anyos na TODA member, malaking tulong sa kaniyang pamilya ang natanggap na tulong lalo pa at limitado pa rin ang transportasyon at apektado ang kanilang biyahe.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, hiniling ni Go sa mga taga-Capiz na pangalagaan ang kanilang kalusugan.
Hinikayat din nito ang mga nangangailangan ng atensyong medikal na lumapit sa Malasakit Center sa Roxas Memorial Provincial Hospital sa Roxas City.
Simula nang mahalal bilang senador noong 2019, isinulong ni Go ang Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nagbibigay ng tulong sa mga mahihirap na pasyente.
Bilang Vice Chair naman ng Senate Committee on Finance, isinusulong din ni Go ang mga panukalang batas para makatulong sa economic recovery.
Tiniyak ni Go ang suporta sa mga proyekto sa iba’t ibang lugar sa Capiz kabilang ang pagpapabuti ng kondisyon sa mga kalsada, drainage canal at pag-convert ng multi-purpose building bilang quarantine facility sa Brgy. Salong sa bayan ng Tapaz.
Gayundin ang pagbili ng multi-purpose vehicles sa President Roxas; at concreting project sa Sta. Fe-San Ramon Provincial Road sa Pilar.
Suportado din ni Go ang improvement ng local roads sa Jamindan at Sapian; concreting sa mga kalsada sa Mambusao, Ma-ayon, Pan-ay, at Pilar; pagtatayo ng multi-purpose building, improvement ng public market sa Pontevedra; at pagtatayo ng five-storey building sa Roxas Memorial Provincial Hospital sa Roxas City.
“Binabalanse po ng gobyerno ang lahat, ekonomiya. And, of course, mas importante sa amin ni Pangulong Duterte ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino. Pangalagaan po natin ang ating kalusugan. Pangalagaan po natin ang ating buhay,” saad ni Go.